
Sumuko sa mga awtoridad sa General Santos City ang isang dating kongresista matapos maglabas ang Sandiganbayan ng apat na warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng mga kasong graft at malversation of public funds.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), kinilala lamang ang dating mambabatas sa alyas na “Boss.” Kusang-loob itong sumuko noong Linggo sa Barangay San Isidro, sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga himpilan ng pulisya sa Lebak, Sultan Kudarat at General Santos City.
Kaugnay ang mga warrant sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 217 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Tiniyak naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ipatutupad ng pulisya ang mga utos ng korte nang patas at may paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal, anuman ang dating posisyon nito sa pamahalaan.










