Nakiusap ang Asean National Organizing Council sa mga grupong nagpaplanong magprotesta na isagawa na lamang ang kanilang mga kilos-protesta pagkatapos ng 49th Asean Summit bilang pagpapakita ng respeto sa mga darating na foreign leader.

Inihayag ni Retired Major Gen. Potenciano Camba na bagama’t kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng publiko sa payapang pagtitipon, mas makabubuting ipagpaliban muna ito upang maging maganda ang imahe ng bansa sa harap ng mga bisita.

Nakahanda at may kakayahan naman ang Philippine National Police na pangasiwaan ang seguridad sa pagdating ng mga lider mula sa 11 member states at mga dialogue partner tulad ng China, US, Japan, at Canada mula Nobyembre 15 hanggang 17.

Naka-deploy na ang mahigit 20 ahensya ng pamahalaan pati na ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang bantayan ang mga paliparan, kalsada, hotel, at ang pangunahing venue sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Samantala, idineklara naman ni Pangulong Marcos ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa NCR upang maibsan ang trapiko at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng delegado at mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --