Tumanggap si Vice President Sara Duterte ng ₱64,194.72 mula sa pamahalaang lungsod ng Davao noong Enero 2023 bilang bayad sa salary differentials mula sa kaniyang panunungkulan bilang alkalde, ayon sa isang testigo sa impeachment trial.

Sa ika-41 araw ng paglilitis, kinumpirma ni Davao City Accountant Vengeline Bahan na ang naturang halaga ay para sa mga salary adjustment ni Duterte mula Enero hanggang Disyembre 2020 at 2021.

Ipinaliwanag ni Bahan na nagmula ang karagdagang bayad sa ikaapat na tranche ng Salary Standardization Law na ipinatupad noong 2019.

Nang tanungin kung bakit Enero 2023 lamang naibigay ang bayad, kahit bise presidente na si Duterte noon, sinabi ni Bahan na noon lamang nakumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

Nauna nang kinuwestiyon ng prosecution ang pagtanggap ni Duterte ng kompensasyon mula sa pamahalaang lungsod habang nanunungkulan bilang bise presidente, batay sa mga probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa pagtanggap ng iba pang emolument mula sa gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --