
Pinuna ng ilang senator-judges ang hindi pagkakatugma ng mga rekord ng ari-arian sa Island Garden City of Samal kaugnay ng lupang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Napag-alamang nakasaad sa Deed of Sale at field appraisal report ang Barangay San Isidro bilang lokasyon ng ari-arian, habang Barangay Matanos naman ang nakatala sa Transfer Certificate of Title (TCT). Gayunman, sinabi ng testigong si City Assessor Engineer John Kenneth Enumerables na walang Barangay Matanos sa Samal City.
Dahil dito, hiniling ni Senate President at impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero at iba pang senador na linawin ang pagkakaiba sa mga dokumento.
Pinayuhan naman ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang testigo na ayusin ang mga rekord ng lungsod dahil nakalilito umano ang mga ito. Nangako naman si Enumerables na tutugunan ang kahilingan.










