Tinanggihan ng Sandiganbayan ang hiling ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na pahintulutan siyang magsumite ng demurrer to evidence upang maibasura ang kasong malversation kaugnay ng ₱92.8 milyong flood control project sa Bulacan na umano’y walang aktuwal na istruktura.

Kinumpirma ni Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Sandiganbayan Third Division, na hindi pinagbigyan ang mosyon ni Revilla.

Ang demurrer to evidence ay isang hakbang sa korte upang hilingin ang pagbasura ng kaso dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya mula sa prosekusyon.

Ibinatay ni Revilla ang kanyang kahilingan, kabilang sa iba pa, sa naunang desisyon ng Sandiganbayan na nagkaloob sa kanya ng piyansa noong Hulyo 31, sa botong 2-1. Sa naturang desisyon, sinabi ng korte na hindi nakapaghain ang prosekusyon ng sapat na patunay na tahasan o di-tahasang pumayag si Revilla na tumanggap ng paunang kickback.

Bukod kay Revilla, kabilang din sa mga respondent sa kaso ang ilang dating opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office.

-- ADVERTISEMENT --