Posibleng humaba ang paghihintay ng mga Filipino nurse at physical therapist na naghahangad makakuha ng permanent residency o green card sa Estados Unidos dahil sa panukalang baguhin ang proseso ng pagkuha ng foreign workers.

Sa ilalim ng panukala ng US Department of Labor, aalisin ang Schedule A na kasalukuyang nagbibigay ng exemption sa mga nurse at physical therapist sa karaniwang proseso ng labor certification dahil kinikilala ang kakulangan ng mga kwalipikadong manggagawa sa mga naturang propesyon.

Kapag naipatupad, kakailanganing dumaan ang mga employer sa mas mahigpit na recruitment process, kabilang ang pag-aanunsiyo ng bakanteng trabaho nang hindi bababa sa 90 araw at pagpapatunay na walang kwalipikado at available na Amerikanong maaaring kunin.

Ayon kay immigration lawyer Arvin Amatorio, maaari itong magdulot ng mas mahabang proseso at dagdag na gastos para sa mga employer, na posibleng makabawas sa kanilang interes na mag-sponsor ng mga Filipino worker.

Maaari ring mahirapan ang mga ospital at nursing home sa mga lugar na kulang na sa health workers na punan ang kanilang mga bakanteng posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari pang magsumite ng komento ang publiko sa panukala hanggang Enero 19, 2027. Wala pang pinal na pagbabago sa kasalukuyang patakaran at nananatiling umiiral ang Schedule A habang sinusuri pa ang mga komento.