Nilinaw ng isang Filipino-American immigration lawyer na walang bagong restriksyon sa aplikasyon ng green card sa Estados Unidos sa lumabas na memo ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS), at ito ay pagpapatupad lamang ng umiiral na batas.

Ayon kay Bergenfield, New Jersey Mayor at immigration lawyer Arvin Amatorio, ang naturang memo ay hindi nagdadagdag ng bagong patakaran kundi mas mahigpit na implementasyon ng Immigration and Nationality Act.

Ipinaliwanag niya na maaaring mas maging mahigpit ang pagtingin ng USCIS sa immigration history at pagsunod ng mga aplikante sa batas, kaya posibleng maapektuhan ang ilang kaso sa proseso ng pag-aadjust ng status sa US.

Dagdag niya, mananatili ang umiiral na legal pathways para sa mga kwalipikadong aplikante, ngunit maaaring kailanganin ng ilang indibidwal na umuwi sa kanilang bansa kung hindi sila pasok sa mga exemption o special classifications.