Posibleng mapilitang bumalik muna sa Philippines ang ilang Pilipinong nag-aapply ng US green card matapos magpatupad ng bagong polisiya ang US Citizenship and Immigration Services o USCIS.

Batay sa bagong memorandum ng USCIS, hindi na itinuturing na awtomatikong karapatan ang Adjustment of Status process o ang pagkuha ng green card habang nasa loob ng United States, kundi isang “extraordinary privilege” lamang.

Dahil dito, maaaring kailanganin ng maraming immigrant applicants na umalis muna ng Estados Unidos at kumpletuhin ang tradisyunal na immigrant visa process sa pamamagitan ng mga US embassy at consulate sa kanilang sariling bansa.

Ayon sa ulat, posibleng maapektuhan ng bagong polisiya ang daan-daang libong green card applicants sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos, kabilang ang mga Pilipinong naghahangad ng permanent resident status.

Sa ilalim ng Adjustment of Status, pinapayagan ang ilang immigrants na iproseso ang kanilang green card application habang nananatili sa US. Ngunit sa ilalim ng bagong polisiya, maaari nang higpitan ang pag-apruba sa naturang proseso.

-- ADVERTISEMENT --