
Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sasagot sa gastusin ng kaniyang legal defense sa kasong crimes against humanity na kinakaharap nito sa korte.
Sa inilabas na background document at updated case page, ipinaliwanag ng ICC Public Affairs Unit na hindi itinuturing na indigent o walang sapat na kakayahang pinansyal si Duterte kaya siya mismo ang kailangang magbayad sa kaniyang mga abogado.
Sa ilalim ng legal aid policy ng korte, maaaring sagutin ng ICC ang gastusin sa depensa ng mga indibidwal na mapatutunayang walang sapat na kakayahang pinansyal upang tustusan ang kanilang legal representation.
Gayunman, wala pang inilalabas na impormasyon ang ICC Registry kung nag-apply si Duterte para sa legal aid o kung magkano ang aktuwal na gastos niya sa kaniyang mga abogado.
Matatandaang pinalitan ni British barrister Peter Haynes si Nicholas Kaufman bilang abogado ni Duterte noong Mayo 2026.
Nakatakdang buksan sa Nobyembre 30 ang paglilitis sa dating pangulo sa ICC Trial Chamber III.










