Nilinaw ng Supreme Court (SC) na nananatiling lehitimo ang isang anak na ipinanganak sa loob ng balidong kasal ng kanyang mga magulang, kahit hindi nakatala ang pangalan ng ama sa kanyang birth certificate.

Sa isang siyam-na-pahinang resolusyon, pinagbigyan ng SC Third Division ang petisyon ng isang babae na itama ang kanyang birth certificate, kabilang ang middle name, apelyido at petsa ng kasal ng kanyang mga magulang.

Ayon sa Korte, sa ilalim ng Article 164 ng Family Code, lehitimo ang mga anak na ipinaglihi o ipinanganak habang kasal ang kanilang mga magulang.

Sa kaso, legal na kasal ang mga magulang ng petitioner nang siya ay isilang. Gayunman, ginamit ng kanyang ina ang sariling apelyido at middle name sa pagpaparehistro sa kanya at hindi inilagay ang pangalan ng ama dahil hindi maayos ang kanilang relasyon noong panahong iyon.

Binigyang-diin din ng SC na mananatiling lehitimo ang isang anak kahit iba ang idineklara ng ina sa birth certificate, alinsunod sa Article 167 ng Family Code.

-- ADVERTISEMENT --

Iniutos ng Korte sa kinauukulang local civil registrar na palitan ang middle name ng petitioner ng maiden surname ng kanyang ina, gamitin ang apelyido ng kanyang ama at ilagay ang petsa ng kasal ng kanyang mga magulang.

Nilinaw naman ng SC na maaaring itama ang mahahalagang detalye sa civil registry sa pamamagitan ng Rule 108 ng Rules of Court, basta’t mabibigyan ng pagkakataong marinig ang mga partidong maaaring maapektuhan ng pagbabago.