Inaasahang maghahain ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ng humigit-kumulang 100 testigo sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet, isinasagawa na ang paghahanda upang matiyak na magiging patas, maayos at malinaw ang paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands.

Sa ilalim ng proseso ng ICC, unang ihaharap ng prosekusyon ang mga testigo at ebidensiya bago bigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng mga biktima na magbigay ng komento at ang depensa ni Duterte na ilahad ang kanilang panig.

Sinabi rin ni Maillet na magiging bukas sa publiko ang paglilitis sa pamamagitan ng livestream at personal na pagdalo sa korte. Gayunman, maaaring isagawa ang ilang bahagi nito sa pribadong sesyon o hindi ilantad ang pagkakakilanlan ng mga testigo upang maprotektahan ang kanilang kaligtasan.

Ayon pa sa tagapagsalita, maaaring tumagal ang paglilitis depende sa dami ng ebidensiya, testigo at iba pang usaping legal na lilitaw sa proseso.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay at tangkang pagpatay sa libu-libong indibidwal na iniuugnay sa kampanya kontra droga noong alkalde pa siya ng Davao City at nang maging pangulo ng bansa.

Binigyang-diin naman ng ICC na itinuturing na inosente si Duterte hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.