Humiling ang prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensiya ang naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa prosekusyon, may kaugnayan ang mga testimonya sa umano’y patakaran ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal, kabilang ang mga insidente ng extrajudicial killings sa Central Luzon.

Isa sa mga testimonya ang tumutukoy sa umano’y pagpatay sa isang lalaking walang armas sa San Jose del Monte City, Bulacan, habang ang dalawa ay may kaugnayan sa mga nawawalang indibidwal at mga bangkay na may tama ng bala.

Iginiit ng prosekusyon na makatutulong ang mga pahayag sa paglilitis at hindi maaapektuhan ang karapatan ng depensa na kuwestiyunin ang mga ebidensiya.

Wala pang desisyon ang mga hukom ng ICC sa kahilingan. Itinatanggi naman ni Duterte ang mga paratang laban sa kaniya.

-- ADVERTISEMENT --