Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong bigyang-kahulugan at magtakda ng parusa sa gawaing grooming, o ang unti-unting pagbuo ng tiwala at emosyonal na ugnayan sa isang bata upang pagsamantalahan ito sa seksuwal na paraan.

Sa botong 207 pabor, dalawa ang tumutol at isa ang nag-abstain, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill No. 11264 sa plenary session nitong Martes.

Sa ilalim ng panukala, maaaring patawan ng pagkakakulong na prision mayor sa minimum period, multang P300,000 hanggang P600,000, o pareho, ang sinumang mapatunayang gumawa ng grooming.

Mas mabigat naman ang parusa kung ang suspek ay may awtoridad, impluwensiya o tiwala sa biktima. Mandatory rin ang pagkakakulong kung nasa hustong gulang ang gumawa at menor de edad ang biktima.

Pinalalawak din ng panukala ang saklaw ng Safe Spaces Act upang patawan ng mas mabigat na parusa ang gender-based sexual harassment sa lugar ng trabaho, kabilang ang pagkakakulong at multang P250,000 hanggang P500,000.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng panukala na palakasin ang proteksiyon laban sa seksuwal na pang-aabuso at panliligalig, lalo na sa mga bata at iba pang bulnerableng sektor.