
Nanawagan ang mga lider ng negosyo at diplomat sa administrasyong Marcos na bawasan ang red tape at pabilisin ang proseso ng pag-apruba ng mga proyekto upang makahikayat ng mas maraming dayuhang pamumuhunan sa Luzon Economic Corridor.
Ayon sa Stratbase Institute, binigyang-diin sa 11th Pilipinas Conference na maaaring maantala ang bilyon-bilyong dolyar na investment commitments kung hindi maaayos ang mga hadlang sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Saklaw ng corridor ang Subic Bay, Clark, Metro Manila at Batangas, na pagdurugtungin sa pamamagitan ng mga proyektong pang-riles, malinis na enerhiya at logistics.
Iminungkahi naman ng mga kinatawan ng Japan, European Union, France at Spain ang pagkakaroon ng iisang sistema ng aplikasyon at malinaw na takdang panahon sa pag-isyu ng mga permit.
Ilan pang hamong binigyang-diin ng mga lider ng negosyo ang mataas na presyo ng kuryente, kakulangan sa koordinasyon ng mga ahensya at pangangailangan sa seguridad ng suplay ng tubig at enerhiya.










