
Tiniyak ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na bibigyang-linaw at tutugunan ng pamahalaan ang lahat ng isyung ibinabato laban sa kontrobersiyal na Pax Silica initiative.
Ayon kay Romualdez, hindi umano sasang-ayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasunduan kung hindi ito makabubuti sa bansa. Sa ngayon, aniya, nakikita niyang maaari itong magdulot ng pakinabang sa Pilipinas.
Nahaharap sa batikos ang inisyatiba dahil sa mga pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan, panganib na mawalan ng tirahan ang mga katutubong komunidad, at kakulangan umano sa transparency.
Binigyang-diin din ni Romualdez ang kahalagahan ng pakikipagtulungang pang-ekonomiya sa Estados Unidos upang mapataas ang halaga ng mahahalagang mineral ng Pilipinas.
Ayon sa embahador, magiging transparent ang kasunduan at posibleng talakayin din ito sa isang pagdinig sa Senado.
Inaasahang lalagdaan ang kasunduan sa Nobyembre, kasabay ng nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit.










