
Nilinaw ng Malacañang na wala pang pinal na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na doon kukunin ang kabuuang pangangailangan ng bansa sa agrikultura at enerhiya.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni US President Donald Trump na simula Enero 1, 2027, ay magmumula na sa Amerika ang 100 porsiyento ng agricultural products at energy requirements ng Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, pinag-uusapan pa lamang ng dalawang bansa ang pagpapabilis ng mga posibleng transaksyon at wala pang itinakdang timeline para rito.
Dagdag pa ni Castro, hinihintay pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng mga miyembro ng Gabinete bago magtakda ng mga susunod na hakbang kaugnay ng usapin.
Binigyang-diin din ng Malacañang na hindi lamang sa Estados Unidos maaaring bumili ang Pilipinas ng mga produktong agrikultura at suplay ng enerhiya.
Mananatili umanong malaya ang bansa na kumuha ng mga kinakailangang produkto mula sa iba pang merkado, batay sa kung saan ito higit na makikinabang.










