Inalis ng Sandiganbayan Third Division ang pangalan ng Samchan Foreign Exchange Corp. president na si Felicito Guevarra bilang kapwa akusado sa plunder case laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, upang makapagtanghal siya bilang testigo ng prosekusyon.

Sa 11-pahinang resolusyon, inaprubahan ng anti-graft court ang amyendadong charge sheet na nag-aalis kay Guevarra sa kaso.

Siya na rin ang ihaharap ng prosekusyon bilang testigo sa bail hearings, kapalit ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan.

Nauna nang sumuko si Guevarra sa National Bureau of Investigation at pinagkalooban ng conditional immunity ng Office of the Ombudsman dahil mahalaga umano ang kanyang testimonya at mga dokumento sa paglalantad ng katotohanan sa kaso.

Kabilang sa mga kondisyon ang buong pakikipagtulungan sa imbestigasyon, pagsuko ng mga rekord at kagamitan ng Samchan, pananatili sa bansa at paglalagay sa ilalim ng proteksiyon ng Department of Justice.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Ombudsman, makatutulong ang testimonya at mga rekord ni Guevarra sa pagtunton sa daloy ng pondong nakasaad sa charge sheet. Nilinaw namang mananatili ang mga kasong isinampa laban sa iba pang akusado.

Pinayagan din ng Sandiganbayan na manatili si Guevarra sa kustodiya ng NBI habang pinoproseso ang kanyang aplikasyon sa Witness Protection Program ng DOJ dahil sa mga panganib sa kanyang seguridad.