Naglabas ng arrest warrant ang Marawi Regional Trial Court laban sa abogado na si Levito Baligod at 18 iba pa kaugnay ng kasong cyber libel, na may nakatakdang piyansang ₱30,000 bawat isa.

Inatasan ang mga respondent na humarap kay Presiding Judge Samina Sampaco Macabando-Usman ng Marawi RTC Branch 8. Nilagdaan ang warrant noong Nobyembre 26 sa Marawi City.

Si Baligod ang abogado ng 18 lalaki na nagpakilalang mga dating bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co. Nauna nilang inakusahan na naghatid sila ng mga maleta ng pera sa ilang politiko at personalidad, alinsunod umano sa utos ni Co.

Bagama’t nakasaad sa warrant na People of the Philippines ang nagsampa ng kaso, kinumpirma ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong na siya ang naghain ng cyber libel complaint laban sa grupo.

Ayon kay Adiong, ginawa niya ito dahil hindi umano dapat basta-basta magpakalat ng mga alegasyon online na maaaring makasira sa reputasyon ng ibang tao.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Baligod tungkol sa kaso sa oras ng paglalathala ng ulat.