Aabot sa 3,000 residente ang inilikas sa rehiyon ng Tuscany matapos lumala ang malawakang forest fire na ilang araw nang sumisiklab dahil sa malalakas na hangin.

Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang sunog noong Martes at kumalat na sa mahigit 800 ektarya sa Mount Faeta, na nasa pagitan ng mga lalawigan ng Lucca at Pisa.

Sinabi ni San Giuliano Terme Mayor Matteo Cecchelli na posibleng nagsimula ang sunog mula sa kontroladong pagsusunog ng mga pinutol na sanga ng olive tree na nauwi sa hindi inaasahang pagkalat.

Pinalala pa ng malalakas na hangin ang sitwasyon, dahilan upang magsagawa ng precautionary evacuation, ayon kay Eugenio Giani.

Nagdeploy na rin ang mga awtoridad ng tatlong Canadair firefighting planes upang suportahan ang ground operations sa pag-apula ng apoy.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, aminado ang mga opisyal na nananatiling aktibo ang sunog.

Ayon kay Fabio Barsanti, patuloy ang pagsisikap na makontrol ang pagkalat nito ngunit nananatiling hamon ang pabago-bagong direksyon ng hangin.

Patuloy ang monitoring at firefighting operations ng mga awtoridad habang pinaiigting ang pag-iingat sa mga apektadong komunidad.