Libo-libong pamilya ang naapektuhan ng dalawang magkahiwalay na sunog sa Davao City noong Oktubre 15 at 16, na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga kabahayan at nag-iwan sa maraming residente na walang matitirhan.

Unang sumiklab ang sunog sa Sitio Bakal, Barangay Leon Garcia Sr., Agdao District, bandang alas-5:06 ng hapon noong Oktubre 15. Mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa Task Force Alpha ang antas ng operasyon, dahilan upang rumesponde ang maraming bumbero at volunteer responders. Tinatayang 1,000 pamilya ang naapektuhan at inilikas sa mga evacuation center.

Kinabukasan, Oktubre 16, panibagong sunog ang sumiklab sa Kasilak, Bucana, Barangay 76-A, bandang alas-6 ng gabi. Umabot naman sa ikatlong alarma ang insidente, na tinugunan ng mga fire station, volunteer fire brigade at Davao Central 911.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang pinsala at bilang ng mga pamilyang naapektuhan sa dalawang insidente.