Inamin ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na si Atty. Caroline Cruz na nakipagpulong siya kamakailan sa ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero noong Abril 20.

Sinabi ni Cruz na ang mga pamilya mismo ang unang lumapit sa kanya para sa nasabing pagpupulong.

Ayon kay Cruz, nagulat siya sa pagbisita ng mga ito ngunit tinanggap niya ang mga pamilya at naging maayos naman umano ang kanilang pag-uusap.

Dagdag pa ng abogado, nais din umano niyang malaman ang katotohanan kaya niya pinayagang matuloy ang hindi inaasahang pagpupulong.

Inamin din ni Cruz na nagbigay siya ng pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng ₱20,000 sa mga pamilya ngunit iginiit niyang wala siyang hininging kapalit mula sa mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw rin ni Cruz na walang anumang dokumentong nilagdaan ang mga pamilya na maaaring magamit sa kaso.

Ayon pa sa abogado, malinis ang kanyang konsensya at handa siyang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya sa tamang forum.

Samantala, dalawang pulis ang sinibak sa kanilang pwesto kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y pakikialam sa kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon sa Philippine National Police.

Kinilala ang mga opisyal bilang si Police Lieutenant Nadame Malang, tagapagsalita ng Highway Patrol Group, at si Police Major Reynaldo Pañebe Jr. ng PNP Custodial Center.

Ayon kay PNP Headquarters Support Service acting chief Police Brigadier Manuel Abrugena, wala pa silang matibay na ebidensya kung totoong may pinapasok na hindi awtorisadong bisita sa mga persons under police custody.