Ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kahandaang magsakripisyo, kung kinakailangan, upang maipagtanggol ang teritoryo ng bansa, kabilang ang saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) at ang Kalayaan Island Group (KIG).

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nanumpa ang mga miyembro ng Sandatahang Lakas na ipagtanggol ang bansa laban sa anumang banta, lokal man o dayuhan.

Bagama’t hindi tinukoy ng opisyal kung kailan maaaring humantong sa sukdulang sakripisyo ang sitwasyon, iginiit niyang nakahanda ang militar na gampanan ang mandato nito anuman ang maging kapalit.

Ang pahayag ay ginawa kasunod ng naging komento ng ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Senator Rodante Marcoleta, na nagsabing nasa labas umano ng EEZ ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group.

Binigyang-diin ni Trinidad na malinaw sa mandato ng AFP at sa itinatadhana ng Konstitusyon ang saklaw ng pambansang teritoryo.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, tungkulin ng militar na pangalagaan ang pambansang soberanya at tiyakin ang integridad ng teritoryo ng bansa, kabilang ang 200 nautical miles na EEZ at ang regime of islands na sumasaklaw sa KIG, kahit pa ito ay lampas sa EEZ.

Dagdag pa ng opisyal, sa loob ng maraming taon ay patuloy na ginagampanan ng AFP ang responsibilidad nitong protektahan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at ipagtanggol ang lehitimong karapatan ng bansa batay sa umiiral na mga legal na batayan.