
Patuloy ang malaking agwat sa minimum wage sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas, kung saan nananatiling pinakamataas ang sahod sa National Capital Region at pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) hanggang Mayo 1, 2026.
Sa NCR, umaabot sa P658 hanggang P695 ang arawang minimum wage, habang nasa P366 hanggang P411 lamang sa BARMM—na nagpapakita ng malaking diperensya sa kita ng mga manggagawa depende sa kanilang lokasyon.
Kasunod ito ng pinakahuling wage adjustments sa Northern Mindanao at Caraga, kung saan ipinatupad ang ikalawang tranche ng umento sa sahod.
Samantala, nasa gitnang antas naman ang sahod sa ibang rehiyon tulad ng Central Luzon at CALABARZON na may saklaw na higit P500 hanggang P600 kada araw.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang pagtatakda ng minimum wage ay nakabatay sa iba’t ibang salik kabilang ang cost of living, kakayahan ng mga negosyo, at pangangailangan ng mga manggagawa.
Dahil dito, nananatiling hamon ang pagkakapantay-pantay ng sahod sa bansa habang patuloy na sinusuri ng mga regional wage board ang posibilidad ng dagdag-sahod sa kani-kanilang nasasakupan.
Listahan ng minimum wage (arawan) sa bawat rehiyon:
- National Capital Region: P658–P695
- Central Luzon: P515–P600 (tranches)
- CALABARZON: P508–P600 (tranches)
- Western Visayas: P520–P550
- Davao Region: P525–P540 (tranches)
- Central Visayas: P500–P540
- Cordillera Administrative Region: P505
- Ilocos Region: P480–P505
- Cagayan Valley: P500
- Northern Mindanao: P485–P500 (tranches)
- Bicol Region: P480 (tranches)
- Caraga: P475 (tranches)
- Eastern Visayas: P440–P470 (tranches)
- Zamboanga Peninsula: P451–P464
- SOCCSKSARGEN: P443–P460 (tranches)
- MIMAROPA: P455
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao: P366–P411








