Tumaas na ang sahod ng mga minimum wage earner sa Northern Mindanao at Caraga simula Mayo 1, kasunod ng pagpapatupad ng ikalawang tranche ng wage increase.

Sa Region 10 o Northern Mindanao, nasa P485 hanggang P500 na ang arawang minimum wage matapos idagdag ang ikalawang tranche na P14.

Nauna nang ipinatupad ang unang tranche na P25 noong Enero 16, 2026, na nagtaas ng sahod sa P471 hanggang P486.

Sa Caraga naman, umabot na sa P475 ang arawang minimum wage kasunod ng ikalawang tranche na P20 na nagkabisa rin ngayong Mayo 1.

Ang unang tranche na P20 ay ipinatupad noong Enero 3, 2026, na nagtakda ng sahod sa P455.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaasahang magkakabisa sa Hunyo 1 ang ikalawang tranche ng wage increase sa Regions VIII at IX na nagkakahalaga ng P18 at P25.

Nakatakda rin ang susunod na tranche ng pagtaas ng sahod sa Regions V at XI sa mga darating na buwan ngayong taon.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), patuloy nitong sinusuri ang regional minimum wage rates upang matiyak ang sapat na sahod at makatulong sa pagharap sa mga hamon sa ekonomiya.

Batay sa datos, umabot na sa P125 ang kabuuang pagtaas ng minimum wage sa National Capital Region mula 2023 hanggang 2025, habang nasa P80 hanggang P140 naman ang itinaas sa iba pang mga rehiyon.

Sa kabuuan, 16 na wage order ang ipinatupad para sa pribadong sektor sa lahat ng rehiyon para sa 2025–2026 cycle, na nakinabang ang mahigit 4.6 milyong minimum wage earners.

Inaasahan ding magsisimula ang susunod na wage review cycle ngayong Mayo 2026.

Nanindigan ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng NWPC, na ipagpapatuloy ang pagtatakda ng makatarungang sahod upang maprotektahan ang mga manggagawa laban sa mababang kita at matiyak ang ugnayan ng sahod sa kalagayang pang-ekonomiya ng bawat rehiyon.