
Lumabas sa isang pag-aaral na nananatiling mababa ang minimum wage sa Pilipinas kumpara sa tumataas na gastusin ng isang pamilya.
Ayon sa IBON Foundation, hindi pa rin nakasasabay sa cost of living ang sahod ng mga minimum wage earner sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Batay sa datos ng grupo, umaabot lamang sa humigit-kumulang P11,000 ang average monthly minimum wage sa bansa, na mas mababa ng tinatayang 21 porsiyento kumpara sa poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro.
Sa National Capital Region (NCR), na may pinakamataas na minimum wage na nasa P695 kada araw o mahigit P15,100 kada buwan, kulang pa rin ito sa tinatayang P15,713 monthly poverty threshold para sa isang pamilya.
Ipinunto rin ng IBON na siyam sa 17 rehiyon sa bansa ang may mas mababang sahod kumpara sa national average na P10,981.
Ayon sa grupo, kinakailangan ng humigit-kumulang P1,300 kada araw na sahod upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng isang pamilya.
Giit ng IBON, dapat magpatupad ng mas mataas at iisang national minimum wage sa buong bansa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Samantala, sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na mahihirapan ang maliliit na negosyo kung magpapatupad ng malaking umento sa sahod.
Patuloy namang sinusuri ng regional wage boards ang mga petisyon para sa dagdag-sahod sa iba’t ibang bahagi ng bansa.









