
Itinuturing ng Department of Labor and Employment (DOLE) na oportunidad sa pagpapahusay ng trabaho at pagpapataas ng produktibidad ang artificial intelligence (AI), sa halip na banta sa mga manggagawa.
Ayon kay DOLE Monitoring and Evaluation Division Chief Hannah Gale Perea, maaaring makatulong ang AI sa paglikha ng mga trabahong nangangailangan ng mas mataas na kasanayan, kabilang ang pagsusuri ng datos, pangangasiwa ng AI systems at teknikal na suporta.
Gayunman, sinabi ng DOLE na nakadepende sa paraan ng paggamit ng AI sa lugar ng trabaho kung magdudulot ito ng pagkawala ng trabaho o pagbabago sa mga tungkulin ng mga manggagawa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa ₱2.74 trilyon ang halaga ng digital economy ng bansa noong 2025 at nakapagbigay ng trabaho sa 10.39 milyong Pilipino.










