
Hahabol ang Alas Pilipinas Girls sa mas mataas na puwesto sa FIVB U17 World Championship matapos mabigo sa Japan, 25-23, 25-19, 25-16, sa classification round sa Santiago, Chile.
Nanguna para sa Pilipinas si Caera Celis na nagtala ng 16 puntos mula sa 12 attacks, tatlong blocks at isang ace, habang nagdagdag naman si Xyz Rayco ng pitong puntos.
Dahil sa pagkatalo, makakaharap ng Alas Girls ang Venezuela sa susunod na classification match. Ang magiging resulta ng laban ang magtatakda kung maglalaro ang Pilipinas para sa ika-13 o ika-15 puwesto.
Sa kabila ng kabiguan, nakapagtala na ang Alas Girls ng pinakamagandang pagtatapos ng isang Philippine team sa isang FIVB World Championship, anuman ang magiging resulta ng kanilang mga natitirang laban.









