Nakukulangan ang grupo ng mga guro sa aksyon ng pamahalaan sa patuloy na pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa kasunod ng mga suspension ng physical classes sa mga pampublikong paaralan dahil sa mainit na panahon.

Ayon kay Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), hindi pa rin natuto ang gobyerno lalo na ang Department of Education sa aral na dulot ng COVID-19 pandemic kung saan hirap ang mga mag-aaral na matuto sa alternative delivery mode.

Bagamat kailangan isaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan ng mga guro at mag-aaral lalo ngayong tag-init, kailangan tiyakin ng pamahalaan na hindi naaapektuhan ang pagkatuto ng mga bata.

Panawagan ni Quetua, dapat na mabigyan ng karagdagang pondo ang sektor ng edukasyon upang ilaan sa pagtatayo ng mga silid-aralan at kagamitan na makatutugon sa kasalukuyang krisis sa klima.

Sa kabilang banda, ikinatuwa naman ng grupo ang pagsang-ayon ng DepEd na agarang maibalik ang pasukan sa mga paaralan sa Hunyo matapos maapektuhan ng pandemya ang school calendar noong 2020.

-- ADVERTISEMENT --