
Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng 60-araw na pagbabawal sa pag-aangkat ng baboy simula Nobyembre 24 upang protektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan na nakapagtala ng tinatayang P27.9 bilyong pagkalugi mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Nilagdaan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kautusan kasunod ng paunang imbestigasyong nagpakitang nakapipinsala sa mga lokal na magbababoy ang patuloy na pagdami ng imported pork products.
Batay sa datos ng DA, umakyat ng 42 porsiyento ang inaangkat na baboy mula 589,675 metric tons noong 2023 hanggang 836,240 metric tons noong 2025.
Kasabay nito, bumaba sa 54 porsiyento ang kakayahan ng bansa na tugunan ang sariling pangangailangan sa baboy mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, kumpara sa 74.3 porsiyento noong 2021.
Saklaw ng pansamantalang pagbabawal ang ilang uri ng sariwa at frozen pork cuts, buong carcass at edible offal.
Ayon kay Laurel, posibleng palawigin ang import ban, subalit kinakailangan munang timbangin ang magiging epekto nito sa mga mamimili at meat processors.
Dadaan din sa pormal na imbestigasyon ng Tariff Commission ang usapin upang matukoy kung kinakailangan ang mas pangmatagalang safeguard measure.
Samantala, isinusulong din ng DA ang pagtataas ng taripa sa imported pork sa 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports, mula sa kasalukuyang 15 at 25 porsiyento.










