Itinuturing ng Philippine National Police o PNP na isang suspected election-related incident ang pag-ambush sa convoy ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa Maguindanao del Norte.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, kailangan pa itong talakayin ng mga concerned agencies, kabilang ang Commission on Elections o Comelec, upang matukoy kung pasok ang insidente sa mga pamantayan ng election-related incident.

Walang nasaktan sa limang sasakyang convoy ni Macacua nang pagbabarilin ito ng mga armadong suspek habang bumibiyahe sa General Santos-Cotabato National Highway nitong Sabado. Tatlo sa mga sasakyan ang tinamaan ng bala.

Samantala, inatasan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang PNP at Armed Forces of the Philippines na agad tukuyin at papanagutin ang mga nasa likod ng pag-atake.