
Nagbabala ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU sa lumalaking banta ng online recruitment ng mga extremist group, partikular sa social media at mga paaralan.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, isa itong “emerging threat” na nangangailangan ng masusing pagtugon dahil maaari umanong ma-expose ang mga kabataan sa extremist content at recruitment online.
Iniuugnay ni Sarmiento ang babala sa mga insidenteng nagaganap sa bansa, kabilang ang school shooting sa Banga, South Cotabato, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at walo ang nasugatan.
Ginawa ni Sarmiento ang pahayag sa ASEAN Peace Education Conference, na nakatuon sa paggamit ng peace education para sa mas matatag na kooperasyon sa mga bansa sa Southeast Asia.
Samantala, hinikayat din niya ang mga bagong halal na miyembro ng BARMM Parliament na magkaisa at unahin ang pagpapaunlad ng ekonomiya at kapayapaan sa rehiyon.
Nakatakda ring makipagpulong ang OPAPRU sa mga stakeholder ngayong weekend para talakayin ang mga natitirang usapin sa normalization process sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, kabilang ang decommissioning at reintegration ng mga dating combatant ng MILF.










