Hinimok ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU ang mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament na panatilihin at isulong ang mga nakamit sa peace process sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, dapat tuparin ng mga bagong opisyal ang kanilang mga pangako noong kampanya at magtulungan para sa pag-unlad ng mga komunidad sa rehiyon.

Itinuturing ni Sarmiento na milestone ang unang parliamentary elections sa BARMM, lalo’t unang pagkakataon ding lumahok sa halalan ang Moro Islamic Liberation Front o MILF bilang isang political movement.

Aniya, mahalagang hakbang ito sa paglipat mula sa armadong pakikibaka tungo sa parliamentary democracy, alinsunod sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

May 80 puwesto ang Bangsamoro Parliament—40 party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives. Nakatakdang manungkulan ang mga bagong halal na miyembro sa Oktubre 30 at pipili sila ng chief minister ng rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --