
Hinimok ng Commission on Elections o Comelec ang mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliament na maging instrumento ng kapayapaan, katarungan at kaunlaran sa rehiyon.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, kailangang patunayan ng mga bagong halal na opisyal na karapat-dapat sila sa tiwalang ibinigay sa kanila ng mga botante.
Ginawa ni Garcia ang pahayag matapos ang unang parliamentary elections sa BARMM noong Setyembre 14, na nagtala ng 84.34% voter turnout.
Ayon sa Comelec, bahagi ng halalan ang proseso ng paglipat mula sa interim government sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority tungo sa halal na regional administration.
Samantala, kinondena ng Comelec ang mga insidente ng karahasan at umano’y pagtatangkang pandaraya sa halalan. Kabilang dito ang insidente ng pre-shaded ballots sa 36 polling precincts sa Maluso, Basilan.
Sinabi ng Comelec na iniimbestigahan ang mga insidente, habang maaaring maharap sa electoral sabotage charges ang responsable sa pre-shaded ballots at posibleng ma-disqualify ang mga kandidatong mapatutunayang sangkot.










