Inaresto ng mga awtoridad ang anim na dayuhan at dalawang Filipino sa isang pinaniwalaang illegal Philippine offshore gaming operator (Pogo) na pinaghihinalaan din na sangkot sa pang-eespiya habang nagtatrabaho sa isang resort sa Subic Bay na may stratehikong vantage point sa mahahalagang sea lanes sa West Philippine Sea, kabilang ang Bajo de Masinloc.
Ayon sa Department of National Defense (DND), sinalakay ng mga lupon mula sa Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang Grande Island at inaresto ang limang Chinese, isang Cambodian at dalawang residente sa lugar.
Inaresto siu Qui Feng, na ang tunay na pangalan ay Ye Tianwu sa bisa ng warrant dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code, at RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nasa kustodiya na rin ng mga awtoridad ang apat pang Chinese na sina Xu Xining, Ye Xiaocan, Su Anlong, He Peng, Cambodian na si Ang Deck, at dalawang Filipino na sina Melvin Mañosa Aguillon Jr. at Jeffrey Espiridion, na kapawa empleyado ng Cambodian.
Nakuha ng mga awtoridad sa raid ang maraming cell phones at laptops, isang 9mm pistol, at 16 na mga bala ng nasabing baril.
Hindi sinabi ng DND kung bakit pinaghihinalaan na espiya o kung may nakuha sa mga suspek na equipment o gadgets para sa pang-eespiya tulad ng mga nakumpiska sa ibang pinaghihinalaang Chinese spies na unang naaresto ng mga awtoridad nitong mga nakalipas na buwan.
Ayon sa DND, ikinokonsidera nila na ideklara ang Grande Island, kasama ang katabi na Chiquita Island na military reservations.