Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8389 o ang Anti-Political Dynasty Act.

Batay sa bersyon ng panukala, pagbabawalang kumandidato o humawak ng posisyon nang sabay sa parehong lugar o lokalidad ang magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity or affinity.

Nasa 173 ang bilang ng mga kongresista na may-akda sa panukala sa pangunguna nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos.

Ayon sa sponsor ng panukala at chairman ng Committee on Suffrage and Electoranl Reforms na si Zia Alonto Adiong, ang ipinasang panukala ay ibinase sa malawakang konsultasyon sa buong bansa at pagkonsidera sa legal, constitutional at practical concerns kaugnay sa regulasyon ng political dynasties.

Tahasan ding iginiit ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na kung walang political dynasties ay naiwasan sana ang nangyaring “Senate primetime bida”.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinunto ni Cendaña na sa naganap na shooting incident sa Senado ay may elemento ng drama, betrayal at aksyon kung saan starring ang mga pamilyang nagkakampihan para sa posisyon bilang lead characters.

Napilitan aniya ang Pilipinas na manood ng teleserye at live action sa halip na talakayin sana ang mahahalagang panukalang batas na mas kailangan ng mga Pilipino.

Dagdag ng mambabatas, pabagu-bago ang isang democratic institution gaya ng Senado kung nakabase ang rigodon ng kapangyarihan sa iilang apelyido lamang at hindi sa tunggalian ng prinsipyo at integridad ng mga pulitiko at kapakanan ng taumbayan.