Nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa asawa at anak ni dating Congressman Mike Defensor dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang kaso ng human trafficking.

Kinumpirma ito ni NBI Director Melvin Matibag.

Ayon kay Matibag, nagsampa ang NBI ng kaso para sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act laban sa asawa ni Defensor na si Julie Defensor at anak nitong si Miguel Defensor, pati na rin sa iba pang indibidwal, sa tanggapan ng piskalya ng Pasig City noong Huwebes.

Sinabi niya na lumabas sa imbestigasyon na pag-aari ng mga Defensor ang hotel kung saan umano’y isinagawa ang sekswal na pagsasamantala sa 54 na babaeng biktima.

Kamakailan lamang, nagsagawa ng raid ang NBI sa isang disco bar sa Pasig City, kung saan nailigtas ang 54 na kababaihan na umano’y ginagawang “customer care assistants” para sa sexcual exploitation kapalit ng halagang P10,000 hanggang P20,000.

-- ADVERTISEMENT --