Nagsalita na si Rufa Mae Quinto tungkol sa napaulat na pagkamatay na ng kanyang asawa na si Trevor Magallanes.
Sinabi ni Rufa na nalulungkot siya sa nasabing balita, at humingi ng panahon na magluksa, lalo na para sa kanilang anak na babae sa pagpanaw ng kanyang asawa.
Idinagdag pa ni Rufa na nangangalap pa sila ng totoong mga impormasyon tungkol sa pagkamatay ni Magallanes.
Sinabi niya na maging sila o ang kanyang pamilya ay nagsasagawa pa lamang ng beripikasyon sa kung ano ang nangyari.
Dahil dito, nanawagan siya na iwasan ang pagpapakalat ng fake news o mga espekulasyon tungkol sa pagkamatay ng kanyang asawa.
Ayon sa kanya, lilipad siya kasama ang anak na si Athena sa Estados Unidos bukas.
Kasabay nito, hiniling niya sa publiko na hintayin ang official announcement tungkol sa pangyayari, na manggagaling lamang umano sa kanya o sa kanyang pamilya at hindi sa ibang source.
Nagpakasal sina Rufa at Trevor noong 2016.
Matapos ang isang taon ay nagkaroon sila ng isang anak na babae.
Nitong buwan ng Enero, sinabi ni Rufa na may pinagdadaanan ang relasyon nila ni Trevor subalit wala siyang plano na maghain ng divorce.
Noong buwan ng Mayo, sinabi ni Rufa na nananatili silang kasal ni Trevor pero hindi na sila nagsasama.