
Umapela si Grace Nancy dela Rosa, ang asawa ni Senador Ronald dela Rosa. sa hudikatura ng Pilipinas na huwag maging kasangkapan sa pagpapadala sa kaniyang mister sa The Hague, Netherlands.
Ito ay sa gitna ng pagtugis ng mga otoridad sa senador matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs.
Sa isang statement ngayong Lunes, Mayo 25, iginiit ni Nancy dela Rosa na ang bawat Pilipino ay dapat litisin sa ilalim ng sarili nitong hudikatura at hindi sa dayuhang korte.
Ayon sa kanya, ang kusang pagsuko ng pamahalaan sa isang Pilipino sa pandaigdigang korte ay pag-amin na mahina at walang kakayahan ang hustisya sa Pilipinas.
Binigyang-diin niya na ang kaso ng kanyang asawa ay pinalalaki lamang dahil sa politika.
Kung may dapat na matutunan aniya mula sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay huwag isuko ang isa nanamang Pilipino.
Buong puso rin siyang umapela sa hudikatura na huwag isuko ang kanilang responsibilidad para sa kanilang mamamayan at ipaglaban ang ating sovereign rights dahil ang kanilang desisyon ay maaalala sa kasaysayan.




