
Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na namataan si Atong Ang sa CALABARZON dalawang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay Remulla, nagsagawa agad ng follow-up operations ang mga awtoridad ngunit nakatakas si Ang matapos silang mahuli ng isang araw.
Pinaniniwalaang palipat-lipat ito ng tinutuluyan kada tatlo hanggang limang araw upang makaiwas sa pag-aresto.
Dagdag pa niya, maliit lamang ang grupo ni Ang at patuloy itong gumagalaw sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nilinaw rin na walang kumpirmasyon na nakalabas na ito ng Pilipinas sa kabila ng mga ulat na nakita umano siya sa ibang bansa.
Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero, na kanyang itinanggi.
May inilabas nang Interpol Red Notice laban kay Ang, na nangangahulugang hinihiling sa mga awtoridad sa buong mundo na hanapin at arestuhin siya para sa posibleng extradition.
Nag-alok din ang pamahalaan ng P20 million na pabuya para sa impormasyong magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.










