
Halos dumoble na ang presyo ng shabu sa lansangan mula nang maupo ang administrasyong Marcos noong 2022, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sinabi ni Remulla na mula sa dating ₱3,800 kada gramo, umaabot na ngayon sa tinatayang ₱6,800 ang presyo nito.
Iniuugnay niya ang pagtaas sa pagbaba ng suplay at paghihirap umano ng mga sindikato na makakuha ng ilegal na droga.
Inihayag ito ni Remulla noong Nobyembre 4 sa pagpapakita ng 200 kilo ng shabu na nasamsam ng mga awtoridad sa Manila International Container Port noong Oktubre 15.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon ang nasabing kontrabando na umano’y ipinadala mula Laos.
Dagdag pa ng kalihim, nakatuon ang kampanya kontra droga ng pamahalaan sa malalaking supplier at sa pagsunod sa tamang proseso, mula sa pinagmumulan hanggang sa pamamahagi ng ilegal na droga.










