Patay ang isang babae sa bayan ng Allacapan, Cagayan matapos pukpukin sa ulo ng live-in partner nito gamit ang martiyo dahil sa selos.
Kinilala ang biktima na si Judy Juan at ang suspek ay si Adimar Verbano na kapwa residente ng Capaniqian, Allacapan.
Ayon kay PMAJ Joel Labasan, hepe ng PNP Allacapan, inamin umano mismo ng suspek ang kanyang ginawang pamumukpok sa ulo ng kanyang kinakasama at matapos maganap ang insidente ay nagtungo siya sa isang Carnival kasama ang kanyang mga kamag-anak at nakipag-inuman sa halip na tulungan ang nangingisay nitong live in partner.
Pagkauwi aniya ng suspek sa kanilang bahay ay nadatnan na niya na wala ng buhay ang biktima kayat nagtungo siya sa himpilan ng pulisya upang ipagbigay alam ang insidente.
Ayon kay Labasan, batay sa salaysay ni Verbano, bago ang pamumukpok nito sa ulo ng biktima ay naging madalas umano ang kanilang pagtatalo dahil sa hinihinala niyang may ka- text ang kanyang kinakasama ngunit ng tignan ng pulisya ang cellphone ng biktima ay wala naman silang nakita na kausap nito.
Dahil dito ay agad namang inaresto ng mga otoridad ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang aksion.
Nabatid na limang taon ng mag-live in partner ang biktima at ang suspek.