
Iniimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Narvacan, Ilocos Sur at ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng pambubugbog sa isang babaeng estudyante.
Sa kumakalat na video, makikita na umiikot ang ilang estudyante habang nagpapalitan ng pagsipa at pagsuntok sa biktima. Sa huling bahagi ng video, makikitang umiiyak ang nasabing estudyante.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente habang lunch break ng mga mag-aaral.
Ayon kay Narvacan Mayor Edna Sanidad, hindi lamang isyu ng paaralan ang nangyari kundi usapin din ng komunidad. Hinikayat niya ang mga magulang at guro na gabayan ang mga bata upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Nagpadala na rin ng guidance counselor ang DepEd Ilocos Sur para sa mga sangkot na estudyante at nagsimula na ng hiwalay na imbestigasyon upang alamin ang ugat ng insidente.
Samantala, ipinatutupad na ng Learner Protection Team ang mga nararapat na interbensyon para sa mga estudyanteng sangkot. Sa tulong ng Department of Social Welfare and Development, sasailalim din sa guidance counseling ang buong klase.










