
Iginiit ng isang kongresista na dapat harapin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment proceedings sa halip na subukang pigilan ito, kasunod ng mga alegasyon ng korapsyon laban sa kanya.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, dapat ituloy ng House of Representatives ang mga pagdinig kaugnay ng mga reklamo, at iginiit niyang ang proseso ay nakabatay sa Konstitusyon at sumusunod sa due process.
Tinawag din niyang “delaying tactic” ang paghahain ni Duterte ng petisyon sa Korte Suprema upang ipatigil ang impeachment proceedings.
Aniya, dapat na sagutin ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya sa halip na paulit-ulit na lumalapit sa Korte Suprema upang pigilan ang proseso.
Noong Martes, naghain si Duterte ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling na ipahinto ang impeachment proceedings laban sa kanya, sa argumentong ito ay labag sa Konstitusyon at may “grave abuse of discretion” umano ang Kamara at ang House justice committee nito.
Bilang tugon, inutusan ng Korte Suprema ang Kamara na magpaliwanag sa loob ng 10 araw, ngunit hindi muna naglabas ng temporary restraining order na sana’y magpapatigil sa pagdinig ng House justice committee.
Nakatakda ang susunod na hearing sa Abril 14.










