Humina ang bagyong “Francisco” ngayong Martes, Hunyo 23, 2026 habang kumikilos pahilagang kanluran sa bilis na 10km/h habang minomonitor naman ang panibagong bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), humina na sa “typhoon” category ang bagyo mula sa “super typhoon” kagabi.

Sa ngayon, huling namataan ang bagyo sa layong 380km Silangan ng Aparri, Cagayan, taglay ang lakas ng hangin na 175km/h malapit sa gitna at pagbugso na 215km/h.

Nanatili namang nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 ang bayan ng Sta Ana, Gonzaga, silangang bahagi ng Babuyan Islands at buong probinsiya ng Batanes.

Makararanas ng pabugso-bugsong hangin at ulan ang mga nabanggit na lugar, kaya pinang-iingat ng PAGASA ang publiko at sumunod sa mga abisong inilalabas ng kanilang mga Lokal na Pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan din ng naturang tanggapan ang mga maglalayag na iwasan munang pumalaot dahil nakataas ang gale warning sa mga baybayin sa Cagayan dulot ng bagyong Francisco.

Samantala, panibagong bagyo ang minomonitor ng PAGASA sa labas ng PAR kung saan huling namataan sa layong 2,605km silangan ng timog-silangan ng Luzon taglay ang lakas ng hangin na 65km/h malapit sa gitna na may pagbugsong 80km/h at kumikilos pakanluran sa bilis na 15km/h.

Sa ngayon, wala pang epekto sa anumang parte ng bansa ang naturang bagyo sa labas ng PAR.