Nadiskubre ang isang bangkay ng tao sa loob ng drum na iniwang nakatabi sa isang creek sa Barangay Palingon, Taguig City nitong Martes ng umaga, Hulyo 29, 2025.
Ayon sa ulat, isang mag-asawa ang nakadiskubre sa drum habang patungo sa lugar upang magtanim.
Napansin nilang mabigat ang drum kaya’t sinilip nila ang laman nito at doon nadiskubre ang bangkay.
Agad nilang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.
Batay sa kanilang obserbasyon, posibleng bago lamang pinatay ang biktima dahil basa pa ng dugo ang suot nitong damit at wala pang masangsang na amoy ang bangkay.
Lumilitaw rin na hindi ito ang unang insidente ng pagtatapon ng bangkay sa naturang lugar.
Dahil sa kawalan ng malapit na CCTV camera, nagiging paboritong taguan umano ito ng mga kriminal.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at tumanggi muna silang magbigay ng pahayag hinggil sa kaso.