
Lumakas pa ang Bagyong Francisco habang patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa karagatan ng silangan ng Hilagang Luzon ngayong Lunes ng umaga.
Namataan ang sentro ng bagyo sa layong 715 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan. Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 140 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 170 kilometro kada oras habang kumikilos sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang Gonzaga at Santa Ana, at silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Magdudulot din ang Habagat ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao, kabilang ang Masbate at iba pang lugar sa Bicol Region.
Samantala, pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang-pandagat na huwag munang pumalaot sa mga lugar na makakaranas ng maalon hanggang magaspang na karagatan, kabilang ang silangang baybayin ng Cagayan, Batanes, Isabela, Catanduanes, Albay at Sorsogon.
Inaasahang lalo pang lalakas ang Bagyong Francisco at maaaring maabot ang pinakamataas nitong lakas bukas bago magsimulang humina. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR pagsapit ng Biyernes.
Patuloy namang pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na weather bulletin at abiso ng mga lokal na pamahalaan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm dahil sa localized thunderstorms.










