Nag-turn over ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ng ₱8.42 bilyon sa Bureau of the Treasury bilang bahagi ng kita nito mula sa pagbebenta at pagpapaunlad ng mga ari-arian ng pamahalaan.

Personal na iniabot ni outgoing BCDA President at CEO Joshua Bingcang ang tseke kay Finance Secretary Frederick Go sa isang seremonya sa Maynila nitong Huwebes, Nobyembre 12.

Dahil dito, umabot na sa ₱11.5 bilyon ang kabuuang remittance ng BCDA mula sa asset disposition proceeds ngayong 2026, mas mataas nang 267 porsiyento kumpara sa ₱3.1 bilyon noong 2025.

Pinakamalaking bahagi ng pondo ang mapupunta sa Armed Forces of the Philippines (AFP), habang ang iba ay ilalaan sa iba pang benepisyaryong ahensiya ng pamahalaan.

Kasama ang ₱2.6 bilyong dividend remittance na naibigay noong Mayo, umabot na sa rekord na ₱14.1 bilyon ang kabuuang naipasa ng BCDA sa Treasury ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng Republic Act 7227 o Bases Conversion and Development Act of 1992, inaatasan ang BCDA na mag-remit ng bahagi ng kita mula sa pagbebenta, pagpapaupa at joint venture development ng mga dating kampo militar upang suportahan ang modernisasyon ng AFP at iba pang programa ng gobyerno.