Itinuturing bentahe ni Alexandra “Alex” Eala ang pagiging kaliwete sa paglalaro ng tennis dahil hindi kaagad mahuhulaan ng kaniyang kalaban kung saan direksyon siya aatake. Pero tila kabisado ni Belinda Bencic ang taktika ng mga kaliwete.

Sa kanilang paghaharap nitong Lunes ng umaga sa Canadian Open Round of 16, nadagdag si Eala sa listahan ng mga left-handed tennis player na binigo ng Swiss tennis star sa iskor na 6-4, 6-0.

Sa kaniyang panalo, umusad ang world No. 14 na si Bencic sa quarterfinals at makakaharap niya si Coco Gauff.

Samantala, dahil sa pagkabigo, naputol ang career-best seven-match winning streak ni Eala. Lima sa magkakasunod na tagumpay ay naitala ng Pinay tennis star sa Mubadala DC Open kung saan siya ang nagkampeon.

Si Eala naman ang ika-10 left-handed tennis player na ‘di umubra kay Bencic mula noong 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama sa listahan ng left-handed players na tinalo ni Bencic ay sina Markéta Vondrousova sa 2025 Mubadala Abu Dhabi Open quarterfinals, Diana Shnaider sa 2025 Indian Wells Open Round of 32, at si Taylor Townsend sa Round of 32 sa Canadian Open.

Samantala, nagpasalamat si Bencic na nakalaban niya si Eala at nakapaglaro sa harap ng napakaraming manonood upang suportahan ang Pinay tennis star.