Palalakasin ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o DA-BFAR ang paggamit ng teknolohiya para maprotektahan ang karagatan ng bansa laban sa illegal fishing at iba pang banta sa yamang-dagat.

Ihaharap ng BFAR ang mga teknolohiyang ginagamit nito para sa pagtukoy sa ilegal na pangingisda, resource management, seafood traceability at catch documentation sa SAFET Conference 2026 sa Cebu sa Setyembre 8 hanggang 10.

Kabilang dito ang GIS-based systems para sa risk assessment at pamamahala ng yamang-dagat, gayundin ang satellite data na maaaring gamitin sa pagtukoy ng mga barkong hindi gumagamit ng identification systems.

Layunin ng tatlong araw na kumperensya na makahanap ng mga makabagong solusyon para mapangalagaan ang fisheries resources habang sinusuportahan ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipinong umaasa sa pangingisda.