Epektibo ngayong Martes, Hunyo 9, ang panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na ipinatupad ng ilang kumpanya ng langis sa bansa, kung saan umabot sa mahigit P5 kada litro ang dagdag sa diesel at mahigit P8 kada litro sa kerosene.

Batay sa abiso ng Seaoil Philippines Corp., tumaas ng P0.30 kada litro ang presyo ng gasolina, P5.77 kada litro ang diesel, at P8.10 kada litro ang kerosene.

Nagpatupad naman ang Shell Pilipinas Corp. ng P0.30 kada litrong dagdag sa gasolina, P4.85 kada litro sa diesel, at P4.75 kada litro sa kerosene.

Samantala, itinaas ng Unioil Petroleum Philippines Inc. ng P0.30 kada litro ang presyo ng gasolina at P4.90 kada litro ang diesel.

Batay sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE), sapat ang kabuuang imbentaryo ng petrolyo sa bansa para sa tinatayang 47.09 araw.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng rollback sa presyo ng petrolyo, kung saan bumaba ng hindi bababa sa P4.76 kada litro ang gasolina, P9.26 kada litro ang diesel, at P10.86 kada litro ang kerosene.